Ang BATANG NAUJAN ay naniniwala sa mga sumusunod na Batayang Prinsipyo:
KAMULATAN
Na sa pamamagitan ng walang humpay na pagmumulat at pagsusuri ng sarili at ng lipunang kinabibilangan nito, at ang patuloy na pag-aaral sa mga isyung panlipunan, mas magiging ganap ang kamalayan nito sa kanyang angking kakayanan at tungkulin para sa bayan at lipunan;
LAKAS NG MAMAMAYAN
Na sa pamamagitan ng pinagsama-samang lakas, bayanihan at ang boluntaryong paglalaan ng oras at kakayanan para sa ibang mas nangangailangan, kayang-kayang pangunahan at ganap na akuin ng mga mamamayan ang pakikilahok sa kanyang lipunang ginagalawan;
KILUSANG MASA
Na sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa hanay ng masang mamamayan, at aktibong pakikilahok sa mga usaping pangbayan, mas maiigiit ng mga mamamayan ang kanyang mga karapatan sa usapin ng pantay-pantay at sustenableng kaunlaran na may pagsaalang alang sa kalikasan, karapatang pantao, at hustisyang panlipunan;
LAHAT NG URI NG PAKIKIBAKA
Na sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan at larangan ng pakikibaka, kasama ang mga makabagong pamamaraan, kayang makamit ng mga organisadong hanay ng mga mamamayan ang mga mithiing hinahangad nito tungo sa isang maunlad, demokratiko, mulat, at malayang pamayanan, bayan, at lipunan na may tunay na malasakit sa kalikasan, karapatang pantao, at hustisyang panlipunan.