PREAMBULO
Taong 2015 ng manalasa ang bagyong Nona sa bayan ng Naujan. Bunga ng paghihirap na dinanas ng bayan, namulat ang mga anak ng Naujan sa mga isyung kinapapalooban ng bayan at ng mga mamamayan nito partikular sa usapin ng kalikasan at pamamahala. Bunga ng pagkamulat na ito, at sa pamamagitan ng pinagsama-samang lakas ng mga anak ng Naujan, ipinanganak ang bagong samahan, ang BATANG NAUJAN.
Artikulo 1: PANGALAN, SAGISAG AT SUMPA
Sec. 1. PANGALAN. Ang samahan na rehistrado bilang Batang Naujan People’s Organization, Inc ay tatawagin at kikilalalaning BATANG NAUJAN.
Sec. 2. SAGISAG. Kagaya nang nasimulan, ang sagisag ng samahan ay ang tinaguriang Guy Fawkes Mask at sa likod nito ay ultimo anino ang sagisag ng Pamahalaang Bayan ng Naujan. Ito ay nagsasagisag na tayo bilang mga Batang Naujan ay patuloy na kaagapay at tagabantay ng bayan ng Naujan.
Sec. 3. PUNONG TANGGAPAN. Sa kadahilananag kailangan ng sentrong tanggapan, pansamantalang itatalaga natin ang ating punong tanggapan sa Brgy. Poblacion 1, sa bayan ng Naujan, Silangang Mindoro.
Sec. 4. SUMPA. Ang sumpa ng Batang Naujan ay ang sumusunod:
Ako si __________ ay nagpapahayag ng aking lubos at walang pasubaling pagsang-ayon sa Konstitusyon at Programa ng Batang Naujan. Sumusumpa akong tutupadin ko ang mga nakaatang na responsibilidad bilang isang aktibong kasapi ng samahan. Kasihan nawa ako ng Diyos, para sa Kalikasan at para sa Bayan.
Artikulo 2: MGA PRINSIPYONG PANG ORGANISASYON
Ang Batang Naujan ay naniniwala na ating angking karapatan ay hindi kusang ibinibigay ninuman, bagkus ito ay ipinaglalaban. At sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng ating kamulatan, pagsisimula sa sarili at sama-samang pagkilos, ito ay makakamit kasama ng pagbabagong inaasam.
Ang Batang Naujan sa pamamagitan ng bukas na talakayan at pakikipag-ugnayan, ay patuloy na igiit ang pagkakaroon ng Transparency and Accountability sa mga nanunungkulan sa ating pamahalaan, hindi lamang upang patuloy tayong maging mga tagabantay bagkus higit ay maging kaagapay ng pamahalaan para sa pag-unlad ng bayan ng Naujan.
Ang Batang Naujan ay bukas sa lahat ng pakikibaka upang makamit ang kamulatan ng lahat ng mga taga Naujan hinggil sa mga isyung may kinalaman sa bayan, mamamayan, at kalikasan.
Dagdag nito, ang Batang Naujan ay naniniwala sa mga sumusunod na Batayang Prinsipyo:
1. ENLIGHTENMENT. Na sa pamamagitan ng walang humpay na pagmumulat at pagsusuri ng sarili at ng lipunang kinabibilangan nito, at ang patuloy na pag-aaral sa mga isyung panlipunan, mas magiging ganap ang kamalayan nito sa kanyang angking kakayanan at tungkulin para sa bayan at lipunan;
2. EMPOWERMENT. Na sa pamamagitan ng pinagsama-samang lakas, bayanihan at ang boluntaryong paglalaan ng oras at kakayanan para sa ibang mas nangangailangan, kayang-kayang pangunahan at ganap na akuin ng mga mamamayan ang pakikilahok sa kanyang lipunang ginagalawan;
3. MASS MOVEMENT. Na sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa hanay ng masang mamamayan, at aktibong pakikilahok sa mga usaping pangbayan, mas maiigiit ng mga mamamayan ang kanyang mga karapatan sa usapin ng pantay-pantay at sustenableng kaunlaran na may pagsaalang alang sa kalikasan, karapatang pantao, at hustisyang panlipunan;
4. ALL FORMS. Na sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan at larangan ng pakikibaka, kasama ang mga makabagong pamamaraan, kayang makamit ng mga organisadong hanay ng mga mamamayan ang mga mithiing hinahangad nito tungo sa isang maunlad, demokratiko, mulat, at malayang pamayanan, bayan, at lipunan na may tunay na malasakit sa kalikasan, karapatang pantao, at hustisyang panlipunan.
Artikulo 3: ORGANISASYON
Sec. 1. KATANGIAN. Ang Batang Naujan ay isang pang-masa na may pormang multi-sektoral na organisasyon na binubuo ng mga ipinanganak, lumaki, nag-aral o nagmamalasakit sa bayan ng Naujan na yumayakap sa prinsipyo, alituntunin at batas ng pumapaloob sa konstitusyong ito.
Sec. 2. LAYUNIN. Layunin ng samahan ang organisahin ang lahat ng mga taga Naujan, saan mang dako ng mundo, at panatilihin ang kanilang pakikiisa para sa pag-unlad ng mga kapwa Naujeno at ang patuloy na paglingap sa kanilang pinagmulang bayan ng Naujan.
Sec. 3. TUNGKULIN. Tungkulin ng samahan na pag-ibayuhin ang pagpapalakas ng organisasyon tungo sa pagpapalaganap ng adhikain at pagapapaunlad ng mga kasapi at pinagmulang bayan ng Naujan.
Artikulo 4: KASAPIAN
Sec. 1. KATANGIAN. Sinumang ipinanganak, lumaki, nagsipag-aral, o anak ng taga Naujan, anuman ang kanyang kasarian, relihiyon, nasyunalidad, o katayuan sa buhay, na sumasang-ayon sa prinsiyo, layunin, at pangkalahatang programa ng organisasyon at handing maglaan ng oras, o tumanggap ng gawain para sa organisasyon ay maaaring maging kasapi.
Sec. 2. TUNGKULIN. Tungkuling ng mga kasapi ang ipalaganap ang mga prinsipyo at layuning ng organisasyon, ipatupad ang mga programa ng organisasyon, at paunlarin ang kamulatan ng sarili, balangay na kipapapalooban, at mga kapanalig na kababayan. Tungkulin din nito ang sumuporta sa lahat ng mga pagkilos ng samahan, mapa-balangay man o sa pangkalahatan.
Sec. 3. KARAPATAN. Karapatan ng bawat kasapi ang maging kaagaapay sa lahat ng mga usaping may kinalaman sa organisasyon, mula sa balangay hanggang sa pinakamataas na organo ng samahan. Karapatan nitong humingi, sa pamamagitan ng organong kanyang kinapapalooban, ng lahat ng mga datos na may kinalaman sa usaping pang-organisasyon, mga programa at plano nito.
Artikulo 5: BALANGAY
Sec. 1. KATANGIAN. Ito ang batayang yunit ng Batang Naujan. Ito ay binubuo ng sampung (10) aktibong myembro na kumikilos para sa organisasyon. Ang Balangay ay maaaring base sa geographical unit, o sektor na kinabibilangan nito.
Sec. 2. TUNGKULIN. Ang pangunahing tungkulin ng Balangay ay ang pangunahan ang mga pagkilos ng samahan sa kanilang baseng kinalalagyan. Ito rin ang pangunahing mag-oorganisa ng kapwa Naujeno sa kanilang lugar o sector na kinabibilangan at syang tagapag-palaganap ang mga kaisipan at layuning ng Batang Naujan.
Sec. 3. KARAPATAN. Ang Balangay ay may awtonomiyang magbalangkas ng kanilang mga proyekto, programa, at mga pagkilos ng naaayon sa pangkalahatang programa ng Batang Naujan at ng may pagsang-ayon mula sa Komite Sentral.
Artikulo 6: KOMITE SENTRAL
Sec. 1. KASAPIAN. Ang Komite Sentral ay binubuo ng mga sumusunod:
a. Incorporators,
b. Myembro ng Sentral na Komiteng Tagapagpaganap,
c. Mga Kalihim ng mga Palagiang Komite,
d. Mga Lider o Representante ng mga Balangay
Sec. 2. TUNGKULIN. Pangunahing tungkulin ng Komite Sentral ang magbalangkas ng pangkalahatang programa. pagkilos at direksyon ng Batang Naujan, maghalal ng mga kasapi ng Sentral ng Komiteng Tagapagpaganap at mga palagiang komite, at maghalal ng pansamantalang lider balangay sa panahong wala pang nahahalal rito. Ang Komite Sentral ay maaaring magpulong anumang oras, kahit saan man.
Sec. 3. KARAPATAN. Ang Komite Sentral ang may pinakamataas na kapulungan sa loob ng organisasyon ng Batang Naujan.
Sec. 4. PAGPUPULONG. Ang Komite Sentral ay kinakailangang magkaroon ng pagpupulong isang beses kada taon sa minimum.
Artikulo 7: SENTRAL NA KOMITENG TAGAPAGPAGANAP
Sec. 1. KATANGIAN. Ang Sentral na Komiteng Tagapagpaganap ang mangangasiwa ng pang araw-araw na pagpapatakbo ng operasyon ng organisasyon, tagapangalaga at tagasipi ng mga datos at impormasyon hinggil sa organisasyon, at tagapangangasiwa ng mga pulong ng Komite Sentral.
Sec. 2. KASAPIAN. Ang Sentral na Komiteng Tagapagpaganap ay bubuoin ng mga sumusunod na kasapi:
a. Tagapangulo (Chairperson)
b. Ingat-Yaman (Treasurer)
c. Pangkalahatang Kalihim (Secretary General)
d. Mga kagawad ng mga palagiang komite
Sec. 3. PALAGIANG KOMITE. Upang mas maipalaganap ang pagyabong ng samahan at mga kasapi, at maisiguro ang daloy ng mga gawaing kinapapalooban nito, itinatalaga ang mga palagiang komite na ito:
a. Komiteng Pang-Kasapian (Membership Committee). Ang komiteng ito ang mangangasiwa ng lahat ng aspeto hingiil sa kasapian, papeles at datos hinggil ditto. Dahil sa angking tungkulin, inaatasan ang Pangkalahatang Kalihim na pangunahan ang naturang komite.
b. Komite sa Gawaing Pang-Edukasyon (Education Committee). Ang komiteng ito ang syang mangangasiwa ng pangkalahatang programang pang edukasyon ng samahan. Itatakda ng Komite Sentral magiging Kalihim ng komite.
c. Komite sa Pananalapi (Finance Committee). Ang komiteng ito ang mangangasiwa ng lahat ng may kinalaman sa pananalapi kasama na ang pangangalap ng butaw, pangangalaga ng mga datos at papeles hinggil sa pananalapi ng samahan, kasama na ang gawaing pagsusuri. Itatalaga ng Komite Sentral ang magiging Kalihim ng komite.
d. Komite sa Kampanya (Campaign Committee). Ang komiteng ito ang mangangasiwa ng lahat ng pangkalahatang programang may kinalaman sa propaganda at kampanya. Itatakda ng Komite Sentral ang magiging Kalihim ng komite.
Artikulo 8: PANANALAPI
Sec. 1. Dahil sa importansya ng pananalapi para sa maayos na daloy ng mga programa ng organisasyon, at ang kahalagahan ng pagkakarron ng malinaw at bukas na usapin sa pananalapi sa hanay ng organisasyon, binibigyang importansya at diin ang usaping ito.
Sec. 2. Itatalaga ng Komite Sentral ang magiging Kalihim ng Komite sa Pananalapi.
Sec. 3. Ang Komite sa Pananalapi ang mangangalaga at mangangasiwa ng mga koleksyon ng mga butaw mula sa mga kasapi at mga tagasuporta.
Sec. 4. Ang Komite sa Pananalapi ay inaatasan na mangalap at magkaroon ng palagiang datos na sya nitong iuulat sa Komite Sentral tuwing may pulong.
Sec. 5. Ang Komite sa Pananalapi ay inaatasang magsuri at maglahad ng taunang ulat sa pananalapi ng organisasyon.
Artikulo 9: HALALAN
Sec. 1. Ang lahat ng kagawad ng Sentral na Komiteng Tagapagpaganap ay ihahalal o itatalaga anumang oras sa pamamagitan ng pagpupulong ng Komite Sentral.
Sec. 2. Ang bawat aktibong kasapi ay maaaring mahalal at maitalaga ayon sa kwalipikasyon na pagpapasyahan ng Komite Sentral at ipapatupad ng Pangkalahatang Kalihim.
Sec. 3. Ang bawat kasapi ng Komite Sentral na syang maghahalal sa magiging Sentral na Komiteng Tagapagpaganap at mga Kalihim ng Palaghiang Komite ay malayang bumoto ayon sa kanyang pansariling tindig at paniniwala.
Sec. 4. Ang pagbawi sa katungkulan ng mga kasapi ng Sentral na Komiteng Tagapagpaganap at mga Palagiang Komite ay nasa kapangyarihan ng Komite Sentral.
Sec. 5. Lahat ng may kinalaman sa halalan ay dadaanin sa pagsang-ayon ng simpleng mayorya o 50% plus 1, samantalang ang quorum naman sa mga pulong ay itatalaga sa dalawang katlo o 2/3.
Artikulo 10: MGA SUSOG
Sec. 1. Ang Saligang Batas na ito ay sususugan ng simpleng mayorya.
Sec. 2. Ang mga panukalang susog ay kailangang maipaabot sa Komite Sentral 30 araw bago ang susunod na pagpupulong.
PINAGTIBAY NG KAUNA-UNAHANG PAGPUPULONG NG KOMITE SENTRAL NG BATANG NAUJAN.
Ika-9 ng Hunyo taong 2017.