Batang Naujan, Patuloy ang Paghahatid ng Ayuda sa mga Naiipit ng Lockdown

Naujan, Or. Mindoro – Sa gitna ng krisis na dulot ng Covid-19, patuloy naman ang pagbabayanihan ng mga Batang Naujan at naghahatid ng tulong sa mga manggagawang Naujenos na naiipit sa ibang bayan.

Dahil inabot na ng lockdown sa labas ng Mindoro, karamihan sa mga mangagawang ito ang obligadong manatili kung saan sila inabot ng Enhanced Community Quarantine. Madalas na problema ng mga ito ay ang kawalan ng tulong dahil hindi sila priority sa lugar kung saan sila inabot dahil umano ay hindi naman sila taga ruon.

Dahil sa ganitong mga kalagayan ng mga ito, naging takbuhan ng mga stranded na mga Naujeno ang Batang Naujan.

Hindi naman nagdalawang isip ang grupo at ikinasa nila ang “Oplan Taong Labas” kung saan hinahanap nila ang mga kababayang naiipit sa ibat ibang mga lugar at gawan ng paraan na mahatiran ng tulong..

Matatandaang halos araw araw mula pa nuong Abril 14 ay nagsimula na silang maghatid ng mga tulong na pagkain, bigas, gropceries at cash ang grupo sa iba’t ibang lugar kung saan may Naujeno na naiipit at nananawagan ng tulong.

Sa kasalukuyan nakapaghatid na ang Batang Naujan ng ayuda sa mahigit na 120 kababayang naipit sa mga lugar ng San Pascual, Batangas, Siniloan, Laguna, Batangas City, Sucat, Paranaque, Lipa City, Taytay, Rizal, Marikina City, at sa tanza at Kawit Cavite. 

Ayon sa grupo mas kailangan ng tulong ng mga ito dahil bukod sa nasa malayo sila at hindi makauwi ay wala ring trabaho at pagkain ang mga ito.

“Mahalaga sa ating mga kababayan ang maramdaman na may kababayan silang hindi sila nakakalimutan sa oras ng krisis,” pahayag ni Ross Delgado, tagapagsalita ng Batang Naujan.

Mahalaga umano na manatili sila kung saan sila naroroon sa halip na magpumilit na umuwi, para na rin sa kanilang kapakanan, dagdag pa nito.

Patuloy naman ang pakikipag ugnayan ng grupo sa iba pang mga Naujeno na kasalukuyan ding naiipit at nangangailangan ng ayuda at nagpapasalamat ang grupo sa lahat ng tumutugon upang makaaghatid sila ng tulong. (30)