Batang Naujan, Patuloy ang Paghahatid ng Saya Ngayong Kapaskuhan
|Brgy. Metolza, Naujan – Sa kabila ng bagyong naranasan kamakailan ng malayong barangay ng Metolza sa bayan ng Naujan, nabalot naman ng saya ang buong barangay sa pagdating ng grupong Batang Naujan.
Kahit patuloy ang pag-ulan, hindi napigilan ang pagsasaya ng mga mamamayan ng nasabing barangay kung saan ipinagdiwang nila ang kanilang Christmas Party Ika-26 ng Disyembre.
Isa ang Brgy. Metolza sa bayan ng Naujan kung saan karamihan sa mga mamamayan dito ay pawang mga katutubong Mangyan.
Inihatid naman ng grupo ang kanilang mga bitbit na regalo bilang kanilang Pamaskong Handog sa mga residente nito. At bukod sa paghahatid ng mga regalo, napuno rin ng dagdag kasiyahan ang pagdiriwang mapa bata o matanda dahil sa mga palarong idinaos halos maghapon.
Matapos naman ang mga kasiyahan, sama sama namang pinagsaluhan ng mga ito ang inihandang pagkain ng mga opisyales ng barangay sa pangunguna ni Kapitan Salatiel Ramirez.
Laking tuwa ng mga taga rito dahil ngayon lamang nakarating ang Batang Naujan sa kanilang barangay. At dahil na rin sa okasyon, nagkaroon ng pagkakataon ang grupo na mas malaman pa ang mga isyung kinakaharap at mga pangangailangan ng nasabing barangay at kung ano pang tulong ang kanilang maaaring maihahatid sa lalong madaling panahon.
Nagpapaslamat naman ang grupo sa napakainit na pagtanggap ng mga mamamayan sa kanila lalu pa nga at ngayon lamang ang mga ito nakarating sa nasabing barangay.
“Hangga’t may patuloy na sumusuporta sa hangarin namin para sa bayan, patuloy kaming maghahatid ng tulong sa mga nangangailangan,” pahayag ni Edzel Genteroy, opisyal ng nasabing grupo.
Ang Pamaskong Handog Program ng Batang Naujan ay nasa ikatlong taon na at naglalayong maghatid ng saya sa mga mahihirap at malalayong lugar sa bayan ng Naujan.